Wednesday, January 19, 2011

Maribel Aldon

SUGPUIN ANG MATINDING KAHIRAPAN AT KAGUTUMAN

    REAKSYON:

Isang napakagandang programang pakaunlaran ang MDG’s. napatuon ako sa isang bagay na binibigyang diin nila. Ito ang pagsugpo sa matinding kahirapan at kagutuman. Hindi maikakaila na nakakaranas ng matinding kahirapan at kagutuman ang karamihan sa atin sa ngayon. Ayon sa isang pahayagan na aking nabasa (tumatalakay din sa matinding kahirapan). Sinabi nya roon na ang mga tao sa kasalukuyan ay nabubuhay para sa sarili lamang. Ayon sa kanya inuuna munang tulungang iahon ang sarili kesa sa iba. Nasa huling prayoridad nila ang pagtulong sa kapwa. Marahil isa itong indikasyon na lahat ng tao ay nakararanas ng kahirapan. Iniisip ng bawat isa na tulungan ang sarili para lumaya sa nararanasan nilang mga pagsubok. Sila muna bago ang iba dahil pwede silang maging biktima ng mga mapagsamantala. Kaya imbes na tumulong hinahayaan na lamang nilaang iba sa kanilang kabagsakan.
Taliwas ito sa aral na ibinigay naman sa atin ng Diyos mula sa bibliya. Ito’y ibigin ang kapwa gaya ng iyong sarili. Damayan at tulungan ang kapwa gaano man ito kasama. Mahirap itong utos kaya nga kung minsan kung susuriin natin kaunti ang nagnanais na sumunod dito, ang iba nama’y ayaw ng alamin ang utos para walang susundin. Kung nagtutulungan kaya ang mga tao tulad ng utos sa bibliya ay wala na ngayong mahihirap?
 Ang kahirapan na ating nararanasan ay hindi madaling masugpo ng kung ano-anung pabugso-bugsong aksyon o panandaliang programa lamang. Kailangan munang maging komprehensibo at pangmatagalan ang antas ng pamumuhay ng mga tao. Paano ito sisimulan? Ayon sa dating pangulong GMA, ang pagpapabuti ng ekonomiya ay mabuting simulain ng pag-unlad ng bansa. Ito daw ay magagawa kung makikipagtulungan ang mamamayan at mga sektor ng lipunan sa plano. “Social bias” ito ang gusto ng kanyang administrasyon, na mabigyang partisipasyon ang tao sa paglutas ng suliranin nila mismo. Medyo naguguluhan ako din dito noong una kasi. Paano pang makikipagtulungan ang taong bayan kung sila mismo ay kailangan ding tulungan? At paano namang uunlad ang ekonomiya kung walang pundong magagamit upang simulan ang programa.
 Ayon sa isang source kung susumahin halos mag-iisang dekada na ang programang MDG pero hanggang sa kasalukuyan ay parang wala pang nakikitang pagbabago lalo na sa pagsupil sa kahirapan. Sa tingin ko nga mas madami pa ang mas naghihirap ngayon. Marami rin ang walang trabaho, hindi nakakapag-aral at walang sariling bahay. Ayon sa report ng UN 50,000 katao ang namamatay sa kahirapan at gutom araw-araw. ( Pilipino Star Ngayon ) nasaan na kaya ang katuparan ng programa ng MDG? Sino nga kaya ang dapat sisihin dito? Ang mga taong walang magawa upang umangat, ang mga mayayaman na lalo pang nagpapayaman o ang bulok na sistema ng ating gobyerno? Kanino nga ba ang mali?
 Ayon parin sa isang ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, ang kahirapan ay madaling maiwasan kung di man masugpo sa pamamagitan ng pagbibigay ng wakas sa katiwalian. Ayon sa kanila ang ugat ng nararanasan nating matinding kahirapan ay ang talamak na kurapsyon. Tama nga naman kung ating susundang lagi ang pagbibigay ulat ng pamahalaan ukol sa pinag-uukulan ng bilyon-bilyong pundo nila malalaman nating marami ng naibigay para sa mga programang pang-edukasyon, pang-agrikultura at maging sa mga pangkalusugan na syento porsyentong yulong sa mga kababayang mahihirap. Ngunit nakakaabot nga ba ito sa talagang pinag-uukulan? O sa bulsa lang ng mga taong may kapangyarihan? Paano maitataas ang kita ng bawat isa kumpara sa dati nilang kinikita upang sumapat sa kanilang pangangailangan kung ang trabaho mismo ay wala. Ang hirap! Ngunit sa isang banda walang mababago kung hindi sisimulan ang pagbabago.
 Sa aking paniniwala walang isang libo kung walang piso. Palaging nagsisimula ito sa pinakamaliit na unit. Kung ang bawat tao ayusin at maging responsable saka lamang niya magagawang tumulong sa iba. At paano rin nating makikita at aayusin ang buhay ng bawat isa? Walang ibang paraan kundi ang ilapit natin ang ating sarili sa Diyos. Kung ang Diyos ay nasa atin ano mang mahirap gawin ay magiging madali. Ito na marahil ang pinakamabisang gawin. Para sa akin, isa rin itong susi dahil kung lahat ng tao ay may takot sa Diyos maiiwasan ang katiwalian sa gobyerno. Magkakatulungan ang mga tao at madaling magkaroon ng pagkakaisa sa pagsulong.
 Maganda sana ang layunin ng MDG ngunit maganda rin kayang manatiling plano ito? Ang pagsugpo sa kahirapan ay magandang simulain ng pag-unlad ngunit ang unang pagtuunan ay ang personal na pagbabago ng bawat isa. At posible ito kung may gagabay sa atin walang iba kundi ang Diyos.

Bibliograpiya

http://www.un.org/millenniumgoals/poverty.shtml

No comments:

Post a Comment