Thursday, January 20, 2011

Abigail Andres

Labanan ang Kahirapan
Isa sa matinding problemang kinakaharap ng maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas, ay ang kahirapan. Ito ang sitwasyon na kung saan hindi sapat ang likas na mapagkukunan o di kaya’y ang kita ng partikular na tao sa lipunan upang punan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Sinasabing ang kahirapan ay ang primaryang dahilan ng patuloy na paglugmok ng ating bansa. Hindi natin maikakaila na dinaranas ng karamihan ang ganitong sitwasyon sa matagal nang panahon. Kung kaya naman ang pangunahing layunin ng Millennium Development Goals o mas kilala sa tawag na MDGs, ay  ang pagsugpo ng matinding kahirapan at gutom (Eradicate Extreme Poverty and Hunger). At ito ang napili kong talakayin.
Base sa aking pananaliksik, aking napag-alaman na ang MDGs ay nabuo noong Sept.2000 kung saan binubuo ito ng may 189 member states ng United Unions. Kanilang napagkasunduan na labanan ang kahirapan, gutom, mga sakit, kamangmangan, environmental degradation, at diskriminasyon laban sa mga kababaihan. Ang kasunduang ito ay epektibo mula sa taong 1990 hanggang 2015.
Ayon kay G. Cayetano Paderanga Jr., isang Socioeconomic Planning Secretary, ang proporsyon ng populasyon na namumuhay ng mas mababa sa “subsistence threshold” ay bumagsak sa 14.6 porsiyento noong 2006 mula sa 24.3 porsiyento noong 1991. Ito ay ipinapalagay na aabot sa 12.5 porsiyento sa darating na 2015.
Bilang karagdagan, sinabi pa ni Paderanga na ang proporsyon ng populasyon na namumuhay na mas mababa sa itinalagang “poverty threshold” ay bumagsak sa 32.9 porsiyento noong 2006 mula sa 45.3 porsiyento noong 1991. Ang susunod na target ay bababa pa ang porsiyentong ito sa 22.7% sa taong 2015.
Inaasahang ding mula 1990 hanggang 2015, ay mahahati ang porsiyento o proporsyon ng mga  taong ang kinikita ay mababa sa 50 piso kada araw. Ngunit sa Philippines Progress Report on MDGs, noong 2006 na ipinalabas ng National Economic and Development Authorithy (NEDA). Lumilitaw na may 45.3% na nasa ilalim ng mas mababa sa 50 piso kada araw ang kinikita sa sinumpaang dokumento ng Pilipinas sa attainment ng MDGs, dapat mahati ito sa 22.7% pagsapit ng 2015. Pero sa 2006 NEDA report, 32.4% pa lamang ang accomplishment ng Pilipinas at 26.2% naman sa 34.5% ng mga Pinoy ang nasa ilalim pa rin ng pagkagutom. Sa pangkalahatan, pinapalagay na kaya naman umano ng Pilipinas na maabot ang itinatadhana na kasunduan ng MDGs.
Sang-ayon akong makakayang abutin ng Pilipinas ang itinadhana sa kasunduan ng MDGs. Ngunit kailangang mag implemento ang pamahalaan ng mga proyekto, gaya na lamang ng CCT (Conditional Cash Transfer) na nakakatulong sa mga pamilyang indigent. Dapat na mas palawakin pa ang mga proyektong makasusugpo sa kahirapan.
Sa ngayon, kailangan natin ng mga tapat at responsableng namumuno sa pagpapaunlad at pag abot ng mga layuning nakatadhana sa MDGs at sana mapatupad ito. Alam kong maraming magiging sagabal o mga problemang kakaharapin pa ng ating bansa. Ngunit naniniwala pa rin ako na kaya natin ito, sa tulong ng Maykapal, ng ating Pangulong Benigno Aquino III  at pagkakaisa nating lahat. Kailangan lang na mas maging matatag at matiyaga tayo sa lahat ng oras. Dapat nating ibaon sa ating isipan na ang mga problema ay parte na ng buhay na nagbibigay ng dimension at kulay sa komplikadong mundo na puno ng pag asa.
Bibliograpiya:

No comments:

Post a Comment