Friday, January 21, 2011

Adriane Segismundo


MDGs Goal #1: Eradicate Extreme Poverty

            An ating bansa ay masasabing mayrooong pinagdadaan, dinaranas o hinaharap na iba’t ibang mga pagsubok at problema. Sa panonood ng telebisyon, pagbabasa ng dyaryo o pakikinig ng radio, mapapansin o mababatid na isa sa pinakamahirap at seryosong kinakahap na suliranin ng isang bansa ay ang matinding kahirapan at kagutuman. Madalas kasi itong maging dahilan o ugat ng iba pang mga problema kagaya ng malnutrisyon, kakulangan sa edukasyon, krimen at iba pa.

            Base sa Wikipedia, ang matinding kahirapan ay tumutukoy sa kalagayan kung saan mayroong kakulangan na mapunan ang mga panunahing pangangailangang pantao tulad ng malinis na tubig, nutrisyon, pangangailangang pangkalusugan, edukasyon, pananamit at tirahan. Sa aking pananaliksik, ang populasyon ang sinasabing pinakamabigat at malaking dahilan ng nararanasang malubhang kahirapan. Kung titingnan ang ating bansa, na isa sa nakakaranas ng matinding kahirapan, napakabilis ng paglaki ng populasyon nito. Base sa sinulat ni Leonardo M. Herbon na isang PUP Researcher tungkol sa paglobo ng populasyon, sinabi niya na ayon sa The CIA World Factbook ang Pilipinas ay panglabing-dalawa sa may pinakamataas na bilang ng mamamayan sa buong mundo na tinatayang 99,900,177 simula nooong hulyo ngayong taon. Mula noong 1960 patuloy na ang pagtaas nito at nang taong2008 umaabot na ito sa 90,348,437. Sa pagdami ng bilang ng populasyon lumulubha ang kahirapan na nagreresulta sa pagkakaroon ng kakulangan sa trabaho at edukasyon, polusyon at krisis na nakikita sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakulangan sa tubig, gasolina at kuryente.

            Ayon sa aking pananaw, dahil sa nga sanga-sangang mga negatibong epekto na naidudulot ng kahirapan kung kaya’t naging isa ito sa mga isyung tinutukan at binigyang pansin saw along internasyunal na mga mithiin na napagkasunduan ng lahat ng 192 bansang miyembro ng United Nations at halos 23 na internasyunal na organisasyon na matatamo sa taong 2015 o ang tinatawag na Millenium Development Goals o MDGs. Ito ay sumasalamin sa walong pangunahing hakbang o aksyon na dapat o maaaring gawin tungo sa pagkamit ng pag-unlad.

            Ang target ng mithiing ito upang makalahati ang bilang ng mga taong mahirap at dumaranas ng gutom ay ang patuloy na pagpapababa ng 0.90 bahagdan bawat taon sa bilang ng mga taong mayroong kinikita na mas mababa sa kailangang pantawid-buhay at ang bilang ng mga pamilya at populasyon na saklaw ng kahirapan ng 1.2 bahagdan bawat taon. Ibaba ang bahagdan ng mga pamilyang hindi nakakakain ng sapat sa 34.7 bahagdan sa taong 2015 at 17.25 bahagdan naman para sa bilang ng mga batang malnourished.

            Ang ating bansa bilang kabahagi sa programang ito ay nagsasagawa ng mga pagmomonitor tungkol sa progreso ng mithiing puksain ang matinding kahirapan at kagutuman. Ayon sa ulat ng UNDP o United Nations Development Programme, malaki ang indikasyon na makakamit ng Plipinas ang mga inaasahang target ng mithiing ito. Sa kabuuan, bumaba ang bilang o bahagdan ng populasyon na mayroong kita na mas mababa pa sa kanilang pangangailangang pantawid-buhay mula 24.3 bahagdan noong 1991 sa 13.5 bahagdan noong 2003 at pagdating naman sa bilang ng mga pamilya at populasyon na saklaw ng kahirapan, mula 39.9 at 45.3 bahagdan noong 1991 kumpara sa 24.4 at 30 bahagdan sa taong 2003. Kung tuloy-tuloy na ganito ang mangyayaring pagbaba, mababawasan na ito ng kalahati sa taong 2006.

            Samantala kung iisa-isahin at titingnan ang antas o bilang ng mga tao na may kakulangan o hindi kasapatan ng kinikita sa kailangang pantawid-buhay sa bawat rehiyon, mapapansin na 11 sa 17 rehiyon ang may mas mataas na antas kaysa sa kabuuang antas. Pinangungunahan ito ng Zamboanga Peninsula (Rehiyon 9) sa Mindanao na mayroong antas na 32.7 bahagdan at sinusundan ng CARAGA sa 30.9 bahagdan sa Mindanao rin at Rehiyon 5 na may 26.6 bahagdan. Sa antas naman ng mga pamilya at bilang ng populasyon na saklaw ng kahirapan, malaki rin ang makikitang problema. Tatlong rehiyon lamang ang mayroong antas na mas mababa sa kabuuang bilang, ang Central Luzon, CALABARZON at NCR. Ang natitirang 14 na rehiyon ay mayroong mas mababa na antas kung ikukumpara sa kabuuan. Kabilang dito ang CARAGA, ARMM at Rehiyon 9 na may 47.1 bahagdan, 45.4 bahagdan at 44 bahagdan. Ang napapansing hindi balanseng antas ay nagpapahayag na sa pagpuksa ng problemang ito ay dapat hindi lang mas tutukan ang kabuuan kundi mas mapapadali kung makakaabot sa lahat ng rehiyon.

            Kung titingan naman ang bilang ng mga taong hindi nakakakain ng sapat, bumaba ito sa 56.9 bahagdan sa 2003 mula sa 69.4 bahagdan noong 1993. Pagdating naman sa bahagdan ng mga batang malnourished, ayon sa National Nutrition Survey(NNS) na ginawa ng Food and Nutrition Research Institute(FNRI) bumaba mula sa 30.6 bahagdan noong 2001 sa 26.9 bahagdan ng 2003 at mas bababa pa ito sa 24.6 sa taong 2005.

Kung pag-aaralan at uunawain ang iba pang mga mithiin na mayroon ang MDGs, masasabing malaki ang bahaging ginagampanan o napaka-importante ng pagiging matagumpay ng unang mithiin na puksain ang matinding kahirapan at kagutuman sa pagtamo ng iba pang mga mithiin. Mas mapapadali ang pagsasagawa o pagsasakatuparan ng mga ito dahil kung titingnan ang pinaka-ugat ng iba pang mga problemang kasali sa MDGs ay ang kahirapan. Walang kakulangan sa edukasyon, pangangalaga sa kalusugan at hindi pagkakapantay–pantay sa pagtingin at karapatan ng lalaki at babae kung walang kahirapan.
BIBLIOGRAPHY

1 comment:

  1. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete