Thursday, January 20, 2011

Jean Paula Llanera

Unang Mithiin ng MDG: Sugpuin ang Matinding Kahirapan at Kagutuman

Sugpuin ang kahirapan at kagutuman. Ito ang pinakaunang mithiing nasa listahan ng MDGs (Millenium  Development Goals) na ilang dekada nang pilit linulutas. Kahirapan. Ito na marahil ang bukambibig ng nakararaming Pilipino sa ating bansa ngayon sapagkat ito'y talamak ng nararanasan ng marami sa atin. Ito na rin ang pangunahing suliraning kinakaharap ng ating bansa na siyang hanggang ngayo'y hindi pa rin mabigyan ng kaukulang solusyon.
Ano nga ba ang kahirapan? At ano ang kaugnayan nito sa kagutuman? Kung malulutas ba kahirapan, malulutas rin ang kagutuman?
Ang kahirapan at kagutuman ay ang kakulangan ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng malinis na tubig, edukasyon, pananamit, sapat na pagkain at maayos na tirahan. Ito ang sitwasyon na kung saan ang tao ay kapos sa mga bagay na nagsisilbing panustos o pantugon sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Marami ang naghahangad na malutas ang kagutuman at makatulong sa paglutas ng mga paghihirap kaugnay nito. Gayunpaman, ang makabuluhang pang-matagalang paglutas sa kagutuman ay nakaugat sa paglutas ng kahirapan, dahil ang labis na kahirapan ay humahantong  sa kagutuman. Ang sobrang gutom ay isang kilabot na sintomas ng kahirapan sa mundo. Kung ang solusyong maibibigay lamang ay pagpapabuti ng produksyon at pamamahagi ng pagkain, ang gutom, kahirapan at pagiging dependent ay mananatili pa rin.
Maraming mga tao at mga ahensya ng gobyerno at maging mga pribadong sektor ang nagtutulong-tulong para maibsan ang suliraning kahirapan. Ayon sa datos ng MDG, 13.5% ang mga taong kumikita ng mas mababa o kulang pa para sa kanilang pang araw-araw na gastusin noong 2003 kumpara sa 24.3% noong 1991 na nagpapakita ng progresibong pamamaraan ng ating bansa na labanan ang kahirapan. Gayunpaman, hindi pa rin lubos na nararamdaman ito lalo na sa mga liblib na bayan ng ating bansa tulad ng CARAGA, Zamboanga, Mindanao, at Region 5, na mataas pa rin ang bilang ng mga tao at pamilyang naghihirap. Sa ngayon, kahit hindi sa atin sabihin ay nararamdaman natin ito kung saan maraming kakapusan ang ating nararanasan.
Isa pang patuloy na nararanasan ng mga Pilipino ay gutom na ayon sa MDG mula 69.4% noong 1993 ay bumaba ito sa 56.9% noong 2003, na nagpapakita na kahit papaano’y nagkakaroon ng magandang resulta ang hakbangin ng ating pamahalaan na ang layunin ay kung hindi man kayang alisin ay mapababa man lang ang nakakaranas ng gutom. Sa pananaliksik ng “Food and Nutrition Research Institute (FNRI)”, ay nagpapakita ng 30.6% noong 2001 at 26.9% noong 2003, na ibig sabihin ay nababawasan na ang bilang ng mga batang “underweight” at “malnourished”. Sa katunayan, ang mga bata ang lubos na naapektuhan na kahirapan dahilan ng kakulangan sa pagkain na nagiging sanhi ng malnutrisyon at minsan ay pagkamatay ng bata. Ngunit hindi lamang mga bata ang nakakaranas ng kakulangan sa sustansya at pagkain, kundi pati na rin ang mga nagbubuntis at mga bagong panganak na ina. Hindi sila mabigyan ng tamang pagkain at nutrisyon dahil sa kasalatan sa buhay na kung iisipin ay isang malungkot na katotohanan para sa ating mga Pilipino.

Ayon nga kay Ted Failon: “Ang solusyon at aksyon ay dapat ngayon!” Ang solusyon sa problemang ito ay magsisimula sa mismong ating mga kamay, huwag sana natin itong iasa sa iba at sa gobyerno, umaksyon tayo habang maaga pa, matuto tayong magsikap at magtrabaho hindi lamang para sa ating sarili kundi pati na rin sa ating bansa.  Ang paglahok at pakikiisa sa mga programa ng gobyerno laban sa kahirapan ay isa lamang sa mga paraang ating magagawa. Sugpuin natin ang kahirapan at labanan ang kagutuman!
 S aking pananaliksik nabasa ko sa isang website ang isang napakahalagang pangungusap, ito ay ayon kay Habib na nagsasabing: “We cannot find a solution for this problem unless change comes. We will not wait for other person and other time to start within ourselves because we are the agents of change that we need.” Hindi natin makakamit ang pagbabago kung tayo mismo ay hindi marunong magbago. Ang solusyon sa kahirapan ay tayo mismo, ang mga sarili natin, ang bawat isa, ang bawat Pilipino. Kung nais nating malutas ang suliranin sa kahirapan, ngayon pa lang ay magkaisa na tayong kumilos huwag lang para sa sarili natin kundi pati na rin sa pag-unlad ng ating lipunan.

Bibliograpiya:
           

No comments:

Post a Comment