Sunday, January 16, 2011

Adam God

“Millennium Development Goals
Goal 1: Alisin Ang Sobrang Gutom at Kahirapan(Eradicate Extreme Poverty and Hunger)”
Noong taong 2000 ay nagkasundo ang mga lider ng mga bansa sa buong mundo na sa taong 2015 ang “Millennium Development Goals(MDG)”, ay siyang magbibigay daan upang magawan ng paraan at maisaayos ang sobrang gutom at kahirapan sa lahat ng panig ng mundo. Ang MDG ay siya ring magbibigay ng panuntunan o mga hakbangin upang  masiguro na makakamit ng bawat isa ang pag-unlad at kaginhawaan sa buhay. Kapag nakamit ang mga layuning ito ay maaring mabawasan ang kahirapan ng halos kalahati, mailigtas ang napakaraming buhay, at bilyong tao sa buong mundo ang makikinabang sa pandaigdigang pag-unlad. Ang MDG ay may walong itinakdang pangunahing paksain na kailangang makamit. Mula sa 192 “United Nations” na kasapi ay 23 ang nagkasundo na kailangang makamit ito sa taong 2015, at isa dito ang Pilipinas. Isa sa mga layunin nito ay “Alisin Ang Sobrang Gutom at Kahirapan(Eradicate Extreme Poverty And Hunger)”. Pero paano ito makakamit? Ano ang mga hakbangin nila upang maisakatuparan ito? Ano ang mga magiging epekto nito sa bawat isa? At sinu-sino ba ang mga taong may kinalaman sa usaping ito?
Sa ngayon halos makikita natin ang napakaraming suliranin sa ating bansa. Maituturing na pangunahing problema ng ating bansa ay ang sobrang gutom at kahirapan na nararanasan mula pa noon magpasahanggang ngayon. Ang sobrang gutom at kahirapan  ay tumutukoy sa bilang ng tao at pamilya na namumuhay ng kulang sa pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan. Napakarami ng tao at mga ahensya ng gobyerno at maging mga pribadong sektor ang nagtutulong-tulong para maibsan ito. Ayon sa datos ng MDG ay 13.5 % ang mga taong kumikita ng mas mababa o kulang pa para sa kanilang pang araw-araw na gastusin, noong 2003 kumpara sa 24.3% noong 1991 na nagpapakita ng progresibong pamamaraan ng ating bansa na labanan ang kahirapan. Gayunpaman ay hindi pa rin lubos na nararamdaman ito lalo na sa mga liblib na bayan ng ating bansa. Halimbawa nito ay ang mga lugar ng CARAGA, Zamboanga, Mindanao, at Region 5, na mataas pa rin ang bilang ng mga tao at pamilyang naghihirap.
Marahil ay nagtataka ang bawat isa kung bakit hindi matapos-tapos ang kahirapang ating nararanasan, kung bakit parang walang nagbabago. Pero ayon sa datus ng MDG ay kailangan lamang mabalanse ang pagbibigay ng tulong at pondo sa bawat bayan ng ating bansa. Kung titingnang mabuti ay nabibigyan naman ng mga tulong ang bawat lugar n gating bansa, yun nga lang kung hindi kulang, ay wala na, dahil sa kurapsyon na talamak sa ating bansa na kahit masakit man na tanggapin ay may katotohanan naman. Marahil bukod sa tulong ay kailangan ring bantayan ng mga kinauukulan ang mga tulong na ibinabahagi para hindi ito manakaw o mabawasan ng mga taong iniluklok ng bayan.
Isa pang patuloy na nararanasan ng mga Pilipino ay gutom na ayon sa MDG mula 69.4% noong 1993 ay bumaba ito sa 56.9% noong 2003, na nagpapakita na kahit papaano’y nagkakaroon ng magandang resulta ang hakbangin ng ating pamahalaan. Pero ang layunin na bilang para sa taong 2015 ay 34.7% na lamang dapat ang nakakaranas ng gutom, na kahit hindi man kayang alisin ay mapababa man lang. Sa pananaliksik rin ng “Food and Nutrition Research Institute(FNRI)”, ay nagpapakita ng 30.6% noong 2001 at 26.9% noong 2003, na ibig sabihin ay nababawasan na ang bilang ng mga batang “underweight” at “malnourished”. Hindi lamang mga bata ang nakakaranas ng kakulangan sa sustansya at pagkain, kundi pati na rin ang mga nagbubuntis at mga bagong panganak na ina. Hindi sila mabigyan ng tamang pagkain at nutrisyon dahil sa kasalatan sa buhay na kung iisipin ay isang malungkot na katotohanan para sa ating mga Pilipino.
Maraming taon na ang lumilipas at patuloy pa rin tayo sa pakikibaka para maibsan ang kahirapan n gating bansa at kahit na papaano’y umuusad tayo. Mas lalo pa nating mapapadali ang pag-alis ng gutom at kahirapan sa ating bansa kung ang bawat isa ay kikilos, gagampanan ang kanyang tungkulin, at hindi na lamang aasa palagi sa pamahalaan. Lubusan lamang uunlad at magtatagumpay ang ating bansa kung tayo ay nagkakaisa, may malasakit sa kapwa, may pagsisikap, at marunong sumunod sa batas ng tao at ng Diyos.     

Bibliograpiya

http://www.un.org/millenniumgoals/poverty.shtml

No comments:

Post a Comment